Isang babae at isang lalaki ang naaresto sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Matampay, Marawi City, kung saan nasamsam ang tinatayang P2 milyong halaga ng hinihinalang shabu nitong hapon ng Biyernes, Agosto 8, 2025.

Dakong alas-3:00 ng hapon nang ilunsad ng pinagsanib na puwersa ng Regional Drug Enforcement Unit (RPDEU), Regional Intelligence and Anti-Illegal Drug Task Force (RIAT-RID), Marawi City Police Station, at Saguiaran Municipal Police Station ang operasyon laban sa iligal na droga.

Kinilala ang mga suspek na sina Asripa Usman Camid, 30, babae, at Maulana Nasser Azis, 31, lalaki. Nakuha sa kanila ang tatlong sachet ng puting kristal na sangkap na pinaghihinalaang shabu na may bigat na humigit-kumulang 299.4 gramo at may tinatayang street value na P2,035,920.00.

Bukod sa droga, nakumpiska rin ang buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P1,000 bill na nakapatong sa 499 pirasong ginupit na kopya ng P1,000, isang brown na sling bag, isang pulang plastic bag, at isang Kawasaki-Bajaj na motorsiklo.

Isinagawa ang imbentaryo ng mga ebidensya sa harap ng mga suspek at sinaksihan nina Marawi City Vice Mayor Atty. Majul U. Gandamra, kinatawan ng Department of Justice (DOJ), isang media representative, at isang opisyal ng barangay.

Nasa kustodiya na ng Marawi City Police Station ang mga suspek at mga nakumpiskang ebidensya, habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.