Naaresto ng mga operatiba ng PDEA Regional Special Enforcement Team BARMM ang isang high-value target sa isang matagumpay na buy-bust operation sa Barangay Bangolo, Marawi City ngayong araw ng lingo, Hunyo 22, 2025.

Kinilala ang suspek na si Almar Haji Ali, 21 taong gulang, na mas kilala sa alyas na “Orak.” Siya ay residente ng Barangay Cairatan, Molundo, Lanao del Sur. Ayon sa ulat, wala itong trabaho at hindi nakapag-aral.

Nasamsam mula sa operasyon ang tinatayang dalawang kilo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa dalawang pakete ng “Purple A+” na may larawan ng gintong pagong. Ang mga nasabat na droga ay may tinatayang street value na P2 milyon at standard value na P13.6 milyon.

Bagama’t walang nakuhang armas o drug paraphernalia, nakuha mula sa suspek ang isang Yamaha X-max na motorsiklo, cellphone, ilang ID, at iba pang personal na gamit.

Pinangunahan ng PDEA RSET BARMM ang operasyon sa tulong ng mga tauhan mula sa iba’t ibang yunit ng PDEA sa BARMM, kapulisan, at militar. Walang nasaktan sa panig ng mga otoridad at ligtas na naisagawa ang operasyon.

Nahaharap ngayon si alias “Orak” sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Patuloy rin ang imbestigasyon para tukuyin kung may iba pa siyang kasabwat sa iligal na aktibidad.