Nasabat ng pulisya ang tinatayang ₱3.2 milyong halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo matapos takasan ng driver ang isang checkpoint operation madaling araw ng Marso 26, 2026.
Ayon sa ulat, pinara ng mga tauhan ng 2nd Provincial Mobile Force Company ng Lanao del Norte Police Provincial Office ang isang puting Isuzu Elf truck dahil sa napansing sirang windshield. Gayunman, sa halip na huminto, bigla umanong pinaharurot ng driver ang sasakyan na nagbunsod sa mga awtoridad na magsagawa ng hot pursuit operation.
Agad namang nagsanib-puwersa ang Sultan Naga Dimaporo Municipal Police Station at Regional Mobile Force Battalion 10 sa isinagawang pagtugis.
Kalaunan, natagpuan ang naturang truck na abandonado sa Purok 6, Barangay Pandanan, habang nakatakas ang driver.
Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre sa loob ng sasakyan ang tinatayang 80 master cases ng Fort White cigarettes na may kabuuang halagang ₱3.2 milyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga nasamsam na kontrabando at nakatakdang i-turnover sa Bureau of Customs para sa kaukulang disposisyon.
Samantala, nagpapatuloy ang mas pinaigting na operasyon ng mga awtoridad para matunton at maaresto ang tumakas na driver.

















