Nasamsam sa isang matagumpay na operasyon laban sa ilegal na droga ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P340,000 sa Purok 5, Barangay East Kili-kili, Wao, Lanao del Sur bandang 9:25 ng umaga noong Marso 26, 2025.

Sa isinagawang buy-bust operation, naaresto ang isang “High-Value Individual” na kinilalang si alyas “Junjun,” residente ng nasabing lugar. Ang operasyon ay pinangunahan ng Special Operations Unit 15 (SOU 15) ng PNP Drug Enforcement Group (PNP DEG) sa pakikipagtulungan ng Wao Municipal Police Station, 3rd Platoon ng 1st PMFC LSPPO, PDEU/PSOG LSPPO, RDEU PRO BAR, at iba pang ahensya tulad ng IMEG at RIU BAR.

Nakumpiska mula sa suspek ang dalawang (2) pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 50 gramo. Bukod dito, nakuha rin ang isang (1) tunay na P1,000 bill na ginamit sa buy-bust, na inilagay sa ibabaw ng 79 piraso ng pekeng P1,000 bills (kabuuang P79,000). Isang itim na Kawasaki Bajaj motorcycle (chassis no. MD2A18AY3JWK64780) na walang plaka ang nasamsam din mula sa suspek.

Ang mga nakuhang ebidensya, kabilang ang hinihinalang shabu, ay dinala sa PDEG SOU 15 para sa tamang dokumentasyon at disposisyon. Samantala, isinailalim sa medikal na pagsusuri sa Wao District Hospital ang suspek bago ito ipiniit sa Wao Municipal Police Station para sa kaukulang mga kasong isasampa laban sa kanya.

Pinuri ni PCOL Robert S. Daculan, Provincial Director ng Lanao del Sur Police Provincial Office, ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon na patuloy na nagpapalakas sa kampanya laban sa ilegal na droga sa rehiyon.