Nagtaas ng alarma ang Philippine Anti-Corruption Commission (PACC) matapos nitong madiskubre ang malalaking irregularidad sa isang flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Malita. Ang proyekto ay idineklarang “100 porsyento tapos” noong Oktubre 22, 2024, ngunit sa isinagawang inspeksyon sa site, lumabas na iba ang kalagayan ng aktwal na konstruksyon kumpara sa opisyal na ulat.

Ang proyekto, na may ID 24LE0017 Construction of Concrete Revetment for Demoloc Flood Control, ay nagkakahalaga ng ₱116.5 milyon mula sa 2024 General Appropriations Act (GAA) Regular Infrastructure Program. Ayon sa PACC, maraming mahahalagang bahagi ng flood control structure ang hindi naitayo, tulad ng steel sheet piles, proper toe protection, rubble concrete foundations, rock embankments, slope protection layers, at PVC-coated mattresses.

Ayon kay PACC Chairman Dr. Louie F. Ceniza, PhD, malaki ang agwat ng tunay na kondisyon ng proyekto sa ipinapakitang ulat ng DPWH. Ipinakita ng inspeksyon ang mga exposed at kalawangin na steel rebars, hindi tamang pagkakahalo ng concrete, maluwag na backfill, at iniwan na formworks na sagana sa site.
Dagdag pa rito, wala raw engineer o technical supervisor na nakabantay sa site mula sa kontratista o DPWH, kaya’t nagresulta sa substandard na konstruksyon, di pantay na pader, at iba pang depekto. Maraming residente rin ang nagpatunay na nagsimula lang ang aktwal na trabaho halos isang taon matapos ang opisyal na petsa ng pagkakatapos indikasyon umano ng posibleng ghost project at maling dokumentasyon.

Bilang tugon sa mga natuklasan, iminungkahi ng PACC ang agarang technical audit sa lahat ng flood control projects sa Davao Occidental, ang paglabas ng cease-and-desist order para sa pagtanggap ng kaparehong kahina-hinalang proyekto, at ang suspensyon at imbestigasyon sa mga DPWH personnel na pumirma sa completion report. Iminungkahi rin ng komisyon ang blacklisting sa kontratistang SCP Construction habang isinasagawa ang imbestigasyon, pati na rin ang paghahain ng administrative at criminal charges kung mapapatunayang may pandaraya. Kasabay nito, nanawagan ang PACC na ayusin ang lahat ng depektibong konstruksyon nang walang gastos sa gobyerno.

Ayon sa PACC, delikado ang kasalukuyang kondisyon ng proyekto dahil maaari itong magdulot ng erosion, pagbagsak ng istruktura, at panganib sa buhay ng mga nakatira malapit sa ilog lalo na sa panahon ng malakas na ulan. “Hindi namin hahayaang masayang ang pondo ng bayan, at hindi rin namin hahayaang malagay sa panganib ang mga komunidad dahil sa substandard o ghost projects,” wika ni Ceniza.

















