Pinoy Pride!

Isa na namang ‘Proud Pinoy’ moment ang ibinigay ni dating Senator at 8 Division World Champion Manny ‘Pacman’ Pacquiao matapos ito mahalal sa International Boxing Hall of Fame Class of 2025.

Inihahalal sa International Boxing Hall of Fame ang mga kwalipikadong boksingerong nagpamalas ng kagalingan sa larangan ng boksing sa buong mundo. Ang boksingero ay mapapabilang sa nasabing bulwagan ng katanyagan tatlong taon pagkatapos nito magretiro.

Sa kasaysayang ng Boksing, natatangi ang galing ng Pinoy dahil nag-iisang eight-division world champion si Pacman.

Siya rin ay nanalo ng labindalawang (12) Major titles at unang boksingerong nanalo ng Lineal Championship sa 5 magkakaibang weight classes.

Si Pacquiao rin ang kauna-unahang boksingero sa kasaysayan na nanalo ng mga pangunahing titulo sa mundo sa apat mula sa walong “Glamour Divisions” ng boxing: Flyweight, Featherweight, Lightweight, at Welterweight.

Kung matatandaan, taong 2021 nang magdesisyon itong pormal ng magretiro sa kanyang 26-year boxing career ang 44 anyos na si Pacquiao.

Ngunit nitong Hulyo 28, 2024 bumalik ulit sa boxing ring ang Pinoy Champ para sa isang exhibition featherweight bout laban kay Kickboxer Rukiya Anpo ng Japan.

Ani Pacqiuao, bukas pa rin naman itong lumaban at ipamalas ang galing ng Pinoy sa boksing.