Isinagawa ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) ang isang Pact Signing o pirmahan ng kasunduan para sa 2025 National, Local and First BARMM Parliamentary Elections.
Layunin ng nasabing pirmahan ang magtatag ng isang demokratikong proseso ng pagpili kung saan ang mga mamamayan ay may kalayaang pumili ng kanilang iluluklok na mga lider bukod pa sa pagsusulong ng pagkakaisa at katiyakan ng isang ligtas, kapanipaniwala at maayos na halalan sa rehiyon.
Bukod sa PRO BAR na pinamumunuan ni PRO BAR Regional Director PBGen. Romeo Macapaz, nanguna at dumalo rin sa nasabing Pact Signing ang mga kinatawan ng mga ministeryo sa rehiyon, mga ahensya ng pamahalaan, sektor sa relihiyon, seguridad at mga election monitoring teams kabilang na ang mga kawani sa pamamahayag upang ipahayag ang suporta para sa isang maayos na halalan ngayong 2025.
Dumalo din sa nasabing Pact Signing ang hepe ng komisyon sa halalan sa BARMM na si Atty. Ray Sumalipao upang katawanin naman ang COMELEC.