Patuloy ang imbestigasyon ng Isulan Municipal Police Station kaugnay sa insidente ng pananaksak na naganap pasado alas-10:00 ng gabi noong Sabado, Abril 12, 2025, sa Purok Tagumpay 2, Barangay Kalawag 2.
Batay sa ulat ng pulisya, nagtamo ng malubhang sugat ang isang 40-anyos na padre de pamilya matapos saksakin ng kanyang kapitbahay, na isa umanong welder, kasunod ng isang mainit na pagtatalo.
Sa kasalukuyan, hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang ugat ng alitan.
Ayon sa mga saksi, ilang beses umanong inundayan ng saksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan gamit ang isang kitchen knife. Agad siyang isinugod ng kanyang mga kaanak sa Sultan Kudarat Provincial Hospital kung saan ito kasalukuyang nagpapagaling.
Samantala, agad na tumakas ang suspek matapos ang insidente at kasalukuyang pinaghahanap sa isinagawang hot pursuit operation ng pulisya katuwang ang mga opisyal ng barangay.
Narekober sa crime scene ang isang pirasong kutsilyo na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Patuloy naman ang pagtutok ng mga awtoridad sa kaso upang matiyak ang hustisya para sa biktima.