Agad na kumilos ang Philippine Air Force (PAF) matapos ang magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Cebu noong Setyembre 30. Noong Oktubre 1, 2025, kanilang ipinadala ang Search, Rescue, and Retrieval (SRR) team at mga air assets upang maghatid ng agarang ayuda sa mga apektadong lugar.
Kabilang sa mga tumulong ay ang Collapsed Structure Search and Rescue team mula sa 505th Search and Rescue Group, 560th Air Base Group, kasama ang 53rd Engineer Brigade ng Philippine Army, Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), at Mandaue City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO). Sa kanilang operasyon, nakarekober sila ng anim (6) na bangkay mula sa Barangay Binabag at Barangay Gairan sa Bogo City.
Upang mas mapabilis ang pagbibigay ng tulong, naglipad din ng C-130 aircraft mula Villamor Air Base sa Pasay patungong Lapu-Lapu City na may dalang 812 evacuation kits mula PCSO, iba’t ibang search and rescue equipment mula MMDA, at 170 kahon ng medical supplies mula DOH.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng 220th Airlift Wing, Tactical Operations Wing Central, Air Mobility Command, at Air Defense Command, naisakatuparan ang mabilis na deployment ng mga rescuers at paghatid ng kinakailangang suplay.
Binigyang-diin ng PAF ang kanilang patuloy na papel bilang katuwang sa mabilis at tuloy-tuloy na pagbibigay ng tulong-humanitarian sa mga komunidad na tinamaan ng kalamidad sa Cebu.