Katakot-takot na pagkundena ang inihayag ng 6th Infantry Kampilan Battalion ng pambansang kasundaluhan hinggil sa pagatake at pagitsa ng granada sa isang detachment nito sa bahagi ng Barangay Madia, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur nitong Sabado ng gabi.

Ayon sa tagapagsalita ng 6th ID at JTF Central Lt. Col. Roden Orbon, maituturing itong kaduwagan dahil sa di pa batid ang pagkakakilanlan ng mga nagpasabog at dahil dito, nagresulta ang nasabing pagpapasabog ng granada sa pagkasugat ng apat na sundalo na nakaduty sa detachment noong araw na iyon.

Under observation pa sa ngayon sa hospital ang apat na sundalong nasugatan sa nasabing pagpapasabog.

Kasalukuyan naman silang nakikipagtulungan sa Lokal na otoridad at sa mga intel units nito upang mapanagot agad ang may sala sa nasabing krimen.

Dagdag pa ni Lt. Col. Orbon, labis na ikinalungkot ng mga tropa ng sundalo ang insidente sapagkat itinaon pa ito sa banal na panahon ng Ramadhan na itinuturing na sagradong panahon ng kapayapaan, pagninilay at pagkakaisa ng mga kapatid na Moro.

Wala din aniyang puwang sa sibilisadong lipunan na naghahangad ng kapayapaan at pagunawa ang mga ganitong uri ng karahasan.

Sa huli, committed aniya ang 6th ID upang protektahan ang sakop nitong mga kumunidad at pinaalalahanan ang mga mamamayan na maging kalmado at mapagmatiyag sa lahat ng panahon.