‎Ipinatupad ng Cotabato City Police Office ang public advisory na nagbabawal sa pag-inom ng alak sa kalsada at iba pang paglabag sa pampublikong kaayusan sa lungsod.

‎Ayon sa abiso, mahigpit na ipinagbabawal ang pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar kabilang ang mga lansangan.

‎Ipinagbabawal din ang paglabas sa kalsada nang half-naked o walang sapat na kasuotan bilang bahagi ng pagpapanatili ng disiplina at kaayusan.

‎Pinaiiral din ang curfew hours mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw na ipinatutupad lamang sa mga menor de edad kung saan kinakailangan silang manatili sa bahay sa nasabing oras.

‎Kasama rin sa ipinatutupad ang observance ng quiet hours kung saan bawal ang videoke at iba pang maingay na aktibidad simula alas-10:00 ng gabi pataas.

‎Sinabi ni PLt. Rochelle Evangelista, tagapagsalita ng CCPO sa 93.7 Star FM Cotabato, na may direktiba si City Director PCol. Jibin Bongcayao sa lahat ng police stations sa lungsod na magsagawa ng mas pinaigting na pagpapatrolya alinsunod sa kautusan ng Department of the Interior and Local Government.

‎Dagdag pa ni Evangelista na asahan ng publiko ang mas pinaigting na police visibility at presensya ng mga otoridad sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

‎Hinimok naman ng pulisya ang publiko na sumunod sa mga ipinatutupad na ordinansa upang maiwasan ang paglabag at mapanatili ang kaayusan sa Cotabato City.