Inilabas ng Civil Service Commission (CSC) ang bagong memorandum na nagbabawal sa mga empleyado ng gobyerno na makilahok sa partisanong aktibidad sa social media, kabilang na ang pag-like, pag-share, at iba pang interaksyon sa mga post ng mga kandidato sa panahon ng kampanya para sa 2025 Midterm Elections. Ayon sa CSC, ang sinumang lalabag ay maaaring suspendihin o matanggal sa serbisyo.

Nagpaalala ang Civil Service Commission (CSC) sa lahat ng kawani ng gobyerno na mahigpit na ipinagbabawal ang pakikilahok sa mga gawaing may kinalaman sa partisanong politika, kabilang na ang pag-like at pag-share ng mga post ng mga kandidato sa social media.

Batay sa bagong Memorandum Circular No. 3-2025 na inilabas ng CSC na pinamagatang “Palala: Huwag Makilahok sa Partisanong Politikal na mga Gawain Sa Panahon ng Kampanya ng 2025 Midterm Elections”, ipinapaalala sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na umiwas sa anumang aktibidad na maaaring maituring na pakikialam sa kampanyang politikal para sa nalalapit na halalan sa Mayo 12, 2025.

Kabilang sa mga ipinagbabawal ang pagpapakita ng suporta sa mga kandidato sa pamamagitan ng pag-share, pag-like, pag-react, o pagkomento sa mga post ng politiko o kanilang mga tagasuporta sa social media habang panahon ng kampanya.

Ayon sa CSC, nakasaad sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas na, “Walang opisyal o empleyado ng civil service ang maaaring lumahok, direkta man o hindi direkta, sa anumang gawaing may kinalaman sa eleksyon o partisanong kampanyang politikal.”*

Dagdag pa rito, “Walang miyembro ng military ang maaaring lumahok, direkta man o hindi direkta, sa anumang partisanong aktibidad, maliban na lamang sa pagboto.”

Babala ng CSC, ang sinumang lalabag sa nasabing panuntunan ay maaaring patawan ng suspensyon mula isang buwan hanggang anim na buwan sa unang paglabag, at maaari namang matanggal sa serbisyo sa ikalawang paglabag.

Layunin ng panuntunang ito na mapanatili ang pagiging non-partisan ng civil service at maiwasan ang paggamit sa mga kawani ng gobyerno sa mga layuning pampulitika.