Naglabas ng localized weather forecast ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ayon sa ulat, patuloy na makararanas ang rehiyon ng Mindanao ng epekto ng localized thunderstorms, na siyang magdadala ng pabago-bagong kondisyon ng panahon sa BARMM.

Inaasahan na ang buong rehiyon ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan, pagkulog, at pagkidlat. Nagbabala rin ang ahensya sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga lugar na makararanas ng matitinding thunderstorms.

Samantala, ang ihip ng hangin sa rehiyon ay mananatiling mahina hanggang katamtaman at magmumula sa silangan hanggang hilagang-silangan. Ang karagatan naman ay inaasahang magiging banayad hanggang katamtaman ang alon, na may taas na mula 0.6 hanggang 1.5 metro.

Sa Cotabato City, inaasahang aabot sa 34°C ang pinakamataas na temperatura ngayong araw, habang bababa naman sa 23°C ang pinakamababa.

Pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga nasa mabababang lugar at bulubunduking bahagi ng rehiyon, na maging alerto at mag-ingat sa posibleng epekto ng masamang panahon.

Patuloy namang minomonitor ng PAGASA ang lagay ng panahon upang makapagbigay ng agarang babala at impormasyon sa publiko.