Bumaba ang bilang ng mga insidente ng pamamaril at barilan sa Cotabato City mula noong Hunyo hanggang sa kasalukuyang buwan ng Hulyo, ayon sa Cotabato City Police Office (CCPO). Ito ay matapos na maipatupad ang 5-minute response time directive ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Police Lieutenant Rochelle Evangelista, tagapagsalita ng CCPO, ang nasabing polisiya ay alinsunod sa direktiba ni Police Colonel Jibin Bongcayao, hepe ng Cotabato City Police, bilang pagsunod na rin sa utos ni PNP Chief General Nicolas Torre III.

Mula noong Hunyo 7, iisang kaso na lamang ng pamamaril ang naitala sa lungsod hanggang sa nakaraang linggo ng Hulyo—malaking pagbaba kumpara sa mga naunang buwan.

Binigyang-diin ni PLt. Evangelista na malaki ang naging epekto ng pinaigting na 5-minute response time sa pagbabantay ng katahimikan at kaayusan sa lungsod. Aniya, naging mas aktibo ang mga pulis sa kanilang pagbabantay at pag-iikot sa mga komunidad.

Dagdag pa ni Evangelista, malaki rin ang papel ng mga stakeholders at ng publiko sa pagpapanatili ng kapayapaan. Kabilang dito ang maagap na pagtugon sa mga insidente, at ang kooperasyon ng mga mamamayan na agad tumatawag sa Police Hotline Number 911 o sa mismong hotline ng Cotabato City Police sa tuwing may emergency o kahina-hinalang pangyayari.