Isang makasaysayang turnover ceremony ang isasagawa ngayong araw, Marso 27, 2025, sa Bangsamoro Government Center, kung saan pormal na ipipresenta ni Hon. Ahod Balawag Ebrahim ang kanyang tungkulin bilang Interim Chief Minister (ICM) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kay Hon. Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua.

Si Macacua, na matagal nang nagsilbing lider sa Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) at naging Gobernador ng Maguindanao del Norte, ay kilala sa kanyang aktibong papel sa pagsusulong ng kapayapaan sa Mindanao. Sa kanyang panunumpa, tiniyak niyang ipagpapatuloy ang mga programang inilatag ng pamahalaang rehiyonal upang mapaunlad ang buhay ng mga Bangsamoro.

Samantala, pinasalamatan naman ni Ebrahim ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya sa panahon ng kanyang panunungkulan. Gayunpaman, magalang niyang tinanggihan ang alok na maging bahagi ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament upang ipagpatuloy ang kanyang pagiging lider ng MILF at ng United Bangsamoro Justice Party.

Sa kabila ng pagbabagong ito sa pamumuno, nananatiling matatag ang pangako ng BARMM na ipagpatuloy ang mga repormang magdadala ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran para sa Bangsamoro people.