Pinangunahan ng 101st Infantry (Three Red Arrows) Brigade ng 1st Infantry Division, Philippine Army, ang boluntaryong pagsuko ng mga baril at pampasabog sa Headquarters ng Joint Task Group “Three Red Arrows” sa Brgy. Matalin, Malabang, Lanao del Sur noong Pebrero 7, 2026.

Walong indibidwal ang nagsumite ng iba’t ibang klase ng pampasabog, isang crew-served weapon, at mga high-powered firearms, bilang senyales ng kanilang desisyon na talikuran ang armadong pakikibaka at bumalik sa ilalim ng batas. Kabilang sa isinumiteng armas ang 80 hand grenades, isang RPG launcher na may dalawang anti-tank rounds, tatlong KG9 pistols na may magazine, tatlong Garand rifles, at assorted na bala.

Pinangunahan ang aktibidad ni Brigadier General Yasser R. Bara, Commander ng JTG “Three Red Arrows,” kasama si Lieutenant Colonel Jerry B. Gaviola ng 64th Infantry Battalion at mga tauhan mula sa 1st Military Intelligence Battalion upang matiyak ang maayos at ligtas na turnover.

Pinuri naman ni Major General Yegor Rey P. Barroquillo Jr., Commander ng 1st Infantry Division, ang boluntaryong pagsuko, at sinabi nitong nagpapakita ito ng pagtitiwala ng komunidad at tagumpay ng patuloy na peace engagement. Inuulit ng division ang kanilang pangako na tuluyang alisin ang mga loose firearms at itaguyod ang pangmatagalang kapayapaan at katatagan sa Mindanao.