Bagamat umani ng samu’t saring batikos sa mga kritiko dahil sa maaring perwisyo na idulot nito sa publiko at sa sektor ng transportasyon, itutuloy pa rin ng Cotabato City Government ang automatikong pagrerekisa o inspeksyon sa mga lalaking riding in tandem o magkaangkas sa motorsiklo bilang bahagi ng intensibong hakbang at seguridad laban sa kriminalidad.
Base sa Executive Order number 001 series of 2025 na pirmado ni City Mayor Bruce Matabalao, asahan na ng mga motorista simula ngayong araw, Pebrero 28 ang mga sumusunod na regulasyon:
– Mas Mahigpit na inspeksyon sa mga magkaangkas sa motorsiklo na pawang mga lalaki.
– Pagbabawal sa mga motorista na magsuot ng facemask, bonnet, full-face helmet o kahit anupamang maaring makatakip sa mukha.
– Paginspeksyon sa updated na rehistro ng motorsiklong dala at Registered ID naman para sa mga habal habal drivers sa lungsod. Asahan na rin aniya ang mas maraming random checkpoints at security inspections sa bawat sulok ng lungsod.
Sa lahat ng ito, nakikiusap ang mismong alkalde ng lungsod sa lahat ng tsuper at mga motorista na makipagkaisa at makipagtulungan na lamang upang mapanatili ang kaayusan at disiplina sa lungsod.