Inaasahang makapagbibigay ng alternatibong suplay ng langis sa Pilipinas ang desisyon ni Enrique Razon Jr. na bilhin ang SierraCol Energy Limited, ang pinakamalaking independent oil at gas exploration at production company sa Colombia.

Inihayag ang kasunduan noong Marso 11, 2026 sa London, at inaasahang maisasara sa unang quarter ng taon matapos makumpleto ang mga kinakailangang regulatory approvals. Sa pamamagitan ng kanyang kumpanya na Prime Infrastructure Capital, pinalalawak ni Razon ang operasyon sa enerhiya sa labas ng bansa.

Ang SierraCol ay nagpo-produce ng humigit-kumulang 10% ng kabuuang langis ng Colombia, na posibleng magsilbing alternatibong suplay para sa Pilipinas lalo na sa gitna ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan na nagtataas ng presyo sa pandaigdigang merkado.

Ayon kay Tony Hayward, executive chair ng SierraCol, handa ang kompanya sa bagong yugto ng paglago kasama ang Prime Infrastructure. Binanggit din ng Carlyle Group, dating may-ari ng SierraCol, na napatunayan ang kumpanya bilang responsableng operator at mahalagang katuwang ng Ecopetrol, pambansang kompanya ng langis ng Colombia.

Bagamat hindi inihayag ang halaga ng transaksyon, itinuturing itong estratehikong hakbang upang masiguro ang mas matatag na suplay ng enerhiya para sa bansa. Sa kasalukuyan, nananatiling sensitibo ang merkado ng langis, kaya’t ang pagpasok ni Razon sa Colombian oil sector ay nakikitang makatutulong sa Pilipinas upang mapagaan ang epekto ng pandaigdigang krisis sa enerhiya.