Ititigil na ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang proseso ng decommissioning o ang pag-deactivate ng nalalabing 14,000 combatants mula sa kanilang hanay.

Ang desisyong ito ay napagkasunduan sa regular na pagpupulong ng MILF Central Committee noong Hulyo 19 sa kanilang tanggapan sa Camp Darapanan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Sa isang resolusyong pirmado ni MILF Chairman at dating BARMM Chief Minister Al-Haj Murad Ebrahim at ni MILF Secretary General Muhammad Ameen, nakasaad na pansamantalang ititigil ang decommissioning hangga’t hindi lubusang naipatutupad ang mga probisyon ng Annex on Normalization — isang mahalagang bahagi ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) na nilagdaan ng MILF at ng Gobyerno ng Pilipinas noong 2014, matapos ang 17 taong negosasyong pangkapayapaan.

Batay sa tala, 26,145 MILF combatants na ang na-decommission mula sa kabuuang tinatayang 40,000 miyembro — katumbas ito ng humigit-kumulang 65%.

Wala pa namang inilalabas na opisyal na pahayag ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Unity and Reconciliation (OPAPRU), maging si Presidential Peace Adviser Secretary Carlito Galvez Jr., kaugnay sa naturang hakbang ng MILF.