Sama-samang nagtipon ang iba’t ibang ahensya ng BARMM, mga tanggapan ng pamahalaan, grupo ng mga manggagawa, mga employer, naghahanap ng trabaho, overseas Bangsamoro workers, informal sector workers, at mga miyembro ng media sa Gov. Gutierrez Avenue para sa paggunita ng Labor Day ngayong Mayo 1, 2025.
Isinagawa ang martsa mula Sardonyx Plaza patungong Bangsamoro Government Center bilang bahagi ng pagbubukas ng programa na layong kilalanin ang ambag ng mga manggagawang Pilipino at itaguyod ang makatarungang paggawa sa rehiyon.
Sa pagbubukas ng programa, nagbigay ng welcome address si Ministry of Labor and Employment (MOLE) Deputy Minister Tommy Nawa. Sa kaniyang talumpati, binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng mga manggagawa sa patuloy na pag-unlad ng Bangsamoro.
Nagpadala rin ng mensahe si Labor Minister Muslimin G. Sema sa pamamagitan ng isang recorded video. Inilahad niya ang pagkilala ng Bangsamoro Government sa malaking kontribusyon ng mga manggagawa sa ekonomiya.
Muling iginiit ni Sema ang hangarin ng pamahalaang rehiyonal na suportahan ang mga manggagawa sa ilalim ng pamumuno ni Chief Minister Ahod Ebrahim.
Nagpahayag din ng pakikiisa si ILO Philippines Director Khalid Hassan. Ayon sa kanya, ang katatagan at dedikasyon ng mga manggagawa ay pundasyon ng kapayapaan at kaunlaran sa Bangsamoro. Giit ni Hassan, “Decent work and social justice are not just moral imperatives, but development imperatives.”
Samantala, ipinaabot ni Labor Representative Jonathan Acosta ang mensahe ng pakikiisa sa temang “Manggagawang Bangsamoro, Kaagapay sa Pag-unlad, Sandigan ng Mas Matatag na Bagong Pilipinas.”
Tinalakay niya ang kahalagahan ng pagkakaisa ng sektor ng paggawa at pamahalaan upang makabuo ng isang matatag at mas maunlad na rehiyon.