Pormal nang nagsimula ang paggunita ng Semana Santa kahapon, Linggo ng Palaspas, kung saan dumagsa ang mga mananampalataya sa mga simbahan upang alalahanin ang matagumpay na pagpasok ni Hesukristo sa Jerusalem.

Sa mga misa sa buong bansa, bitbit ng mga deboto ang kanilang mga palaspas na pinabasbasan ng mga pari — isang tradisyong simbolo ng pagtanggap kay Kristo bilang Hari at Tagapagligtas.

Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang Linggo ng Palaspas ang hudyat ng pagsisimula ng Mahal na Araw o Holy Week, ang pinakabanal na panahon sa kalendaryong Kristiyano. Hinihikayat ng simbahan ang lahat ng mananampalataya na gamitin ang buong linggo sa pagninilay, panalangin, at pagbabalik-loob sa Diyos.

Samantala, pinaiigting na rin ng mga awtoridad ang seguridad sa mga simbahan, mga lugar-paninampalataya, at mga terminal para sa inaasahang dagsa ng mga tao sa mga susunod na araw, lalo na sa Huwebes Santo at Biyernes Santo.

Nagpaalala naman ang Department of Health (DOH) sa mga deboto na sumasama sa outdoor activities na mag-ingat sa init ng panahon sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming tubig, pagsusuot ng komportableng damit, at pag-iwas sa labis na pagkakabilad sa araw.

Ang Mahal na Araw ay inaasahang magtapos sa Linggo ng Pagkabuhay na sinisimbolo naman ng tagumpay ni Hesus laban sa kamatayan.