Itinuturing ni Sultan Kudarat Municipality Mayor Datu Tocao Mastura na iligal at di dumaan sa tamang proseso ang panukalang hatiin ang bayan ng Sultan Kudarat na idadaan sa plebesito sa darating na Setyembre 7.
Kung mayroon mang panukala na hatiin ang isang munisipalidad, ang hakbanging ito ay dapat magmula sa lebel ng Barangay hanggang Munisipyo, Kapitolyo ng Probinsya hanggang sa rehiyon bagay na taliwas sa nangyayari kung saan ay nagmula sa rehiyonal na parliamentaryo ang panukala.
Malakas din ang paniniwala ng alkalde na mananaig ang botong NO sa dibisyon ng Sultan Kudarat dahil sa mga iba’t-ibang dahilan.
Una ang kagustuhan ng LGU na maging siyudad ang bayan sa takdang panahon, pangalawa ang mga mamumuhunang naglalatag ng negosyo sa bayan at ikatlo ang kapayapaan at seguridad na ipinapatupad sa kabayanan.
Hindi maintindihan ng alkalse ang hugot ng mga tao na nagsusulong ng paghahati sa isang first class municipality na Sultan Kudarat gayong patungo na ito sa mas progresibong bayan.