Kinumpirma ng pulisya na ang paghihiganti sa kapulisan ang naging motibo sa pagsabog ng granada na ikinasugat ng 22 katao sa Purok Ipil-Ipil, Barangay Dalapitan, Matalam, pasado alas-dose ng hatinggabi kasagsagan ng selebrasyon ng Bagong Taon.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay PLt. James Warren Caang, tagapagsalita ng Cotabato Provincial Police Office bigla na lamang naghagis ng granada ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng itim na Kawasaki Bajaj motorcycle habang nagdiriwang ng New Year’s Eve ang mga biktima sa gilid ng national highway, sa boundary ng Matalam at M’lang.

Agad na isinugod ang mga nasugatan sa Mlang District Hospital. May ilang nasugatan pa rin ang nasa pagamutan habang ang iba ay nakalabas na. Karamihan sa mga biktima ay magkakamag-anak at magkakapitbahay.

Nilinaw rin ni Caang na ang insidente ay hindi “tanim bomba” kundi literal na paghagis ng granada ng dalawang suspek. Dagdag pa niya, nananawagan ang kapulisan sa publiko na huwag masamain ang ginagawa ng kapulisan at tulungan ang awtoridad sa pagpapanatili ng katahimikan. Ayon sa kanya, malaki ang papel ng komunidad sa pagpapanatili ng peace and order sa lugar.