Nanawagan ang Malacañang sa pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na bigyan ng pagkakataon si Maguindanao del Norte OIC Governor Abdulraof Macacua bilang bagong Interim Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sa kabila ng kanilang ipinahayag na pagkadismaya sa pagpapalit ng liderato.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro sa isang press briefing, prerogatibo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtatalaga ng mga lider na sa kanyang pananaw ay makatutulong sa pagpapaunlad ng rehiyon.
“Sa ngayon po, bagong-bago pa lamang ang appointment. Ang hiling po sana natin sa MILF ay bigyan muna ng pagkakataon ang bagong itinalagang Interim Chief Minister. Kapag nakita nating hindi naging maayos ang kanyang pamumuno, maaari po nating pag-usapan muli ito para sa ikabubuti ng Bangsamoro,” pahayag ni Usec. Castro.
Dagdag pa ng opisyal, nananatili ang tiwala ng Palasyo na ang posisyon ng MILF ukol sa naturang pagbabago sa pamunuan ay hindi magiging hadlang sa implementasyon ng umiiral na peace agreement sa rehiyon.
“Hindi po ito magiging sanhi ng pagkakompromiso ng kasunduan sa kapayapaan. Patuloy ang magandang komunikasyon sa pagitan ng pamahalaan at ng MILF. At kung sakaling may hindi kanais-nais na mangyari, agad namang kikilos ang Pangulo para tugunan ito,” giit ni Usec. Castro.