Matagumpay na naisakatuparan ang kasunduan para wakasan ang alitan sa pagitan ng grupo nina Kumander Anwari Gayanandang at Kumander Diya Mohamad Payatok, kapwa miyembro ng 118th Base Command, BIAF-MILF, sa Poblacion, Talayan, Maguindanao del Sur. Pinangunahan ang naturang Rido Settlement ni Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry (Unifier) Brigade.
Sa okasyon, personal na dumalo si Hon. Governor Datu Ali M. Midtimbang, na siyang pangunahing tagapagtaguyod ng kapayapaan at pagkakaisa sa lalawigan. Kasama rin sa aktibidad sina LTC German Legada, Commanding Officer ng 33rd Infantry Battalion, at LTC Loqui O. Marco, Commanding Officer ng 90th Infantry Battalion.
Sumaksi rin sa makasaysayang kasunduan ang mga kinatawan ng Lokal na Pamahalaan ng Mamasapano sa pangunguna ni SB Member Datu Macky M. Ampatuan, pati na rin sina Ustads Wahid Tundok, Commander ng 118th BC, BIAF-MILF, at Malik J. Caril at Hafiz Abuhuraira, Deputy ng PSRO–OCM BARMM, kasama ang mga kinatawan ng MILF-CCCH at mga kasapi ng JPST Kitango.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Governor Datu Ali M. Midtimbang ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tunay na kapayapaan sa Maguindanao del Sur. “Sa pamamagitan ng ganitong mga kasunduan, ipinapakita natin na walang imposible kung mananaig ang pag-unawa at malasakit sa kapwa. Hangad ko na ito ay magsilbing inspirasyon sa iba pang komunidad upang wakasan ang alitan at magsimula ng panibagong kabanata ng pagkakaisa,” ani Midtimbang.
Pinatibay naman ni Brigadier General Edgar L. Catu ang pangako ng 601st Brigade na patuloy na magiging katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan. Aniya, “Kabilang sa aming mandato ang magsilbing tulay sa peace mediation at dayalogo upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa lalawigan ng Maguindanao del Sur. Sa tulong ng pamahalaan at iba pang partner agencies, makakamtan natin ang matatag at mapayapang pamumuhay ng mga Bangsamoro.”
Nagbigay din ng kanyang mensahe si Maj. Gen. Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division, Joint Task Force Central (JTFC), at Western Mindanao Command (WestMinCom), na nagpahayag ng suporta sa mga hakbang ng militar at pamahalaan. “Ang inyong kasundaluhan ay patuloy na katuwang sa pagtupad ng adhikain para sa pangmatagalang kapayapaan at tuluyang pagwawakas ng sigalot sa ating komunidad. Ang kalilintad ay makakamtan lamang sa pagtutulungan ng bawat sektor at mamamayan para sa ‘whole-of-nation approach’ tungo sa kaayusan at kaunlaran,” ani Gumiran.
Ang matagumpay na Rido Settlement na ito ay nagmarka ng panibagong hakbang tungo sa mas mapayapa at nagkakaisang Maguindanao del Sur.