"The court is guided by law, not emotion" — Atty. Conti Sa usaping petisyon ng pansamantalang kalayaan ni Duterte

Kumpiyansa si Atty. Kristina Conti, abogado ng mga biktima ng kampanya kontra droga, na hindi magtatagumpay ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang tangkang kuwestyunin ang hurisdiksyon ng International Criminal Court (ICC) at humiling ng pansamantalang kalayaan.

Sa isang panayam, binigyang-diin ni Conti na base sa kanyang masusing pag-aaral sa mga umiiral na desisyon ng korte, manipis ang tsansang mapaboran ang mga mosyon ng kampo ni Duterte.

“Batay sa jurisprudence, ang mga mosyong kagaya ng pagkuwestyon sa hurisdiksyon o ang kahilingang pansamantalang makalaya ay kadalasang hindi pinapaboran,” ani Conti.

Ayon pa sa kanya, tila bahagi lamang ito ng pamilyar na taktika ng depensa—ang pagpapaliban at pag-iwas sa tunay na isyu.

Matatandaang noong 2023, pinagtibay ng ICC ang kanilang hurisdiksyon sa mga krimeng isinagawa habang miyembro pa ang Pilipinas sa Rome Statute, taliwas sa sinasabi ng kampo ni Duterte na walang legal na basehan ang mga reklamo.

Pinuna rin ni Conti ang mga argumento ukol sa kalusugan at edad ng dating pangulo, na ginagamit umano bilang dahilan upang pansamantalang palayain ito. Giit niya, hindi ito sapat na batayan upang pagbigyan ng ICC.

“Ilang beses na nating narinig ang mga palusot—katandaan, mahinang kalusugan, pambansang interes. Pero malinaw, ang korte ay batay sa batas, hindi sa damdamin,” dagdag pa ni Conti.

Bilang huling punto, binasag ni Conti ang umano’y pag-aangkin ng kampo ni Duterte na may paglabag sa karapatang pantao sa detention center ng ICC. Aniya, maayos ang kondisyon doon at hindi ito makatuwirang gamiting argumento.