Mahigpit na binabantayan ng economic team ng administrasyong Marcos Jr. ang posibleng epekto ng mga bagong global trade policies ng Estados Unidos sa ekonomiya ng Pilipinas.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, partikular nilang sinusubaybayan ang ipinataw na taripa ng Estados Unidos at ang tugon ng ibang bansa rito.
Bagaman may epekto ang mga naturang polisiya sa rehiyon, naniniwala si Balisacan na mas maaapektuhan ang mga kalapit na bansa kaysa sa Pilipinas.
Bilang tugon, itinutulak ng pamahalaan ang pagpapalawak ng ugnayan sa kalakalan, pag-akit ng mas maraming pamumuhunan, at pagpapalakas ng export performance upang mapanatili ang paglago ng ekonomiya.
Kabilang sa mga nakikitang oportunidad ang pagpapalakas ng agricultural exports mula sa Mindanao, partikular sa Middle East.
Dagdag pa rito, itinuturing din ang India bilang isang patuloy na lumalawak na merkado para sa mga produktong Pilipino.
Tinawag ni Balisacan ang hakbang na ito bilang “future-proofing” upang matiyak ang katatagan ng ekonomiya ng bansa sa harap ng mga economic shocks at geopolitical tensions.