Naaayon lamang sa umiiral na batas, partikular sa Seksyon 2 ng Republic Act 12123, ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawigin ang termino ng mga kasalukuyang miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA).
Sa eksklusibong panayam ng Top of the Hour News ng 93.7 Star FM Cotabato, sinabi ni BTA Member of Parliament, Atty. Suharto “Teng” Ambolodto, MNSA, na hangga’t walang halalan sa rehiyon, mananatili sila sa puwesto maliban na lamang kung may pinal na desisyon ang Pangulo na palitan sila.
Dagdag pa ni Ambolodto, binibigyan din ng nasabing batas ng kapangyarihan ang mga kasalukuyang miyembro na ipagpatuloy ang kanilang regular na tungkulin bilang mga mambabatas ng Bangsamoro.
Gayunpaman, nilinaw niya na maaari pa rin silang mapalitan anumang oras kung nanaisin ng Pangulo, dahil sila ay “serving at the pleasure of the President.”
Sa huli, tiniyak ni MP Ambolodto na patuloy silang magsisilbi at gagawa ng mga makabuluhang batas para sa kapakanan ng bawat Bangsamoro.

















