Inaasahan na ang ilang epekto ng pagpapaliban ng First Bangsamoro Parliament Elections mula Mayo patungong Oktubre, ayon kay Minister of Parliament (MP) Atty. Suharto Ambolodto, MNSA.
Sa panayam ng Star FM Cotabato, ipinaliwanag ni MP Ambolodto na sa panahon ng election period, may mga regulasyon sa paglabas ng pondo ng pamahalaan upang matiyak na ito ay hindi magagamit sa hindi nararapat na paraan. Dahil dito, maaaring magkaroon ng limitasyon sa pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo at tulong sa mamamayan.
Gayunpaman, tiniyak ni MP Ambolodto na hindi maaantala ang pangunahing serbisyo para sa mga Bangsamoro. Bagamat may restriksyon, hindi titigil ang pagbibigay ng ayuda at suporta ng pamahalaan. Aniya, dalawang election periods ang daraanan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kaya kinakailangang sumunod sa mga alituntunin ukol sa paggastos ng pondo.
Dahil dito, nanawagan si MP Ambolodto ng pang-unawa at pagpapasensya mula sa mga apektado ng naturang paghihigpit. Aniya, ito ay bahagi ng pag-iingat ng pamahalaan upang matiyak na ang pera ng taumbayan ay nagagamit nang tama at naaayon sa batas.