PATULOY pa ring pinagtatagpi-tagpi ng mga otoridad ang mga ebidensya at impormasyon sa nangyareng pananambang sa bise alkalde ng South Upi, Maguindanao Del Sur, biyernes ng hapon Agosto a-dos, ng parehong taon.
Ayon sa alkalde ng naturang bayan na si Mayor Reynalbert Insular, hindi pa umano tiyak kung may kinalaman sa pulitika ang pananambang dahil aniya payapa at tahimik ang usaping pulitika sa kanilang bayan.
Pagsisiguro pa ng alkalde na kung may kinalaman nga sa pulitika ang pananambang, hindi maaaring hindi lalabas dahil aniya ang naturang bayan ay may ‘silent political relationship’ sa mga kawani nito.
Dagdag ng alkalde, isa pang tinitingnan na anggulo ay ang awayan sa lupa particular sa Sitio Bahar ng South Upi, pero paglilinaw naman ng alkalde ito ay ilang taon nang nakakalipas at ito ay maituturing ‘SETTLED’ o naayos na.
Pagbubunyag pa ng alkalde, makailang beses ng nakaranas ng harassment sa Sitio Bahar si Vice Mayor Benito kung saan nagkapalitan pa ng putok ng baril.
Samantala, mariing kinondena ni Department of Interior and Local Government o DILG Secretary Benhur Abalos Jr. ang pananambang at inatasan na nito PNP at militar para tugisin ang mga salarin.
Nagpa-abot naman ito ng pakikiramay sa pamilya ng bise alkalde at sa escort nitong nasawi na si Weng Ramos.
Dagdag pa rito, hiniling ni Abalos sa publiko, na makipag-ugnayan sa otoridad sakaling may nakalap na impormasyon hinggil sa mga suspek para sa mabilis na ika-resolba ng kaso.