Nag-iwan ng apat na sugatan ang isang pagsabog sa Sitio Malinis, Barangay Mother Poblacion, bandang 9:45 ng gabi noong Disyembre 4, 2025.

Kabilang sa mga nasugatan sina Ryan Pendatun Obpon, 51 anyos; Abdulazis S. Saludin, 20 anyos; Nasrullah Dukay Unayan, 27 anyos; at Jonalyn A. Mamay, 24 anyos — pawang mga residente ng Mother Poblacion.

Batay sa paunang imbestigasyon, tinamaan ng malakas na pagsabog ang isang Toyota Avanza na kulay Greenish Gun Metal Metallic na may plakang DAS 6695, pag-aari ni Jeffrey Sulaik. Dalawa sa mga biktima ang agad dinala sa Sulaik Clinic and Hospital, habang tatlo naman ay isinugod sa IPHO–Maguindanao del Sur para sa agarang lunas.

Agad namang rumesponde ang pulisya at nakipag-ugnayan sa Provincial Explosive Ordnance Control Unit (PECU) at Police Forensic Unit (PFU/SOCO) upang masuri ang crime scene. Nakipag-coordinate rin sila sa AFP at mga kalapit na istasyon ng pulisya upang matukoy ang posibleng suspek o mga nasa likod ng insidente.

Samantala, ayon kay PRO BAR Spokesperson Lt. Col. Jopy Ventura, hindi pa matukoy ang uri ng pampasabog na ginamit dahil wala pang sapat na detalye mula sa mga eksperto at imbestigador.

Patuloy na iniimbestigahan ng Shariff Aguak MPS ang insidente upang malaman ang motibo, tukuyin ang uri ng pampasabog, at mapanagot ang sinumang responsable.