Pormal nang sinimulan ngayong Marso 31, 2025, ang Joint Marine Exercise 2025 (MAREX 2025) sa 1st Marine Brigade Headquarters, Camp Iranun, Barira, Maguindanao del Norte.

Ayon kay Brigadier General Romulo Quemado II, 480 tauhan mula sa Philippine Marine Corps, U.S. Marine Corps, at iba pang pwersa ng seguridad ang lalahok sa pagsasanay na tatagal hanggang Abril 11, 2025. Kasama sa mga kalahok ang Philippine Army, PNP Regional Mobile Force Battalion, Philippine Coast Guard, at Marine Reservists.

Layunin ng MAREX 2025 na palakasin ang kakayahan ng mga sundalo sa taktikal na operasyon, kabilang ang Joint Littoral Live-Fire Exercise at amphibious assault operations para sa coastal defense at seguridad ng teritoryo.

Dumalo si Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, bilang panauhing pandangal.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng mga tropa upang mapahusay ang kakayahang magsagawa ng pinagsamang operasyon.

Bilang bahagi ng pagsasanay, magsasagawa ang Philippine Army Field Artillery Battalions ng Joint Littoral Live-Fire Exercise sa Datu Blah Sinsuat, Maguindanao del Norte sa Abril 8-9, 2025. Ang 6th, 7th, 9th, at 10th Field Artillery Battalions, kasama ang Field Artillery Battalion ng 1st Marine Brigade, ay magpapakita ng pinagsanib na fire missions upang mapabuti ang koordinasyon at combat readiness.

Ang MAREX 2025 ay bahagi ng pagtutulungan ng AFP at mga kaalyadong pwersa para sa pagpapalakas ng seguridad, mas epektibong depensa sa teritoryo, at kahandaan sa sakuna.