Nauwi sa mainit na sagupaan ang personal na alitan sa pagitan ng isang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at isang barangay chairman matapos umanong tumanan ang anak ng isa at kapatid ng isa pa.‎‎

Ayon sa 6th Infantry Division spokesperson na si Lt. Col. Roden Orbon, naganap ang insidente bandang alas-1:00 ng hapon, araw ng Biyernes, Agosto 1, sa Barangay Sapakan, bayan ng Mamasapano.‎‎

Sangkot sa palitan ng putok sina Sukor Guiamalon, miyembro ng 106th Base Command ng MILF-BIAF, at si Chairman Mohamad Tatak, punong barangay ng nasabing lugar.

Ayon sa ulat, nag-ugat ang tensyon sa umano’y pagtanan ng anak ni Guiamalon at kapatid ni Tatak—na matagal nang may matinding alitan.‎‎Umabot ng halos dalawang oras ang bakbakan bago tuluyang humupa ang sitwasyon.

Wala namang naiulat na nasawi o nasaktan sa insidente.‎‎

Batay sa paunang imbestigasyon, may naunang hidwaan na ang dalawang pamilya, at lalo lamang itong lumala dahil sa isyu ng pagtanan. Sa ibang komunidad sa Bangsamoro, ang ganitong mga alitan ay kadalasang naaayos sa pamamagitan ng marital arrangement o inter-marriage bilang paggalang sa tradisyon at kapayapaan.‎‎

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang monitoring ng mga awtoridad upang matiyak na hindi na muling mauuwi sa karahasan ang sigalot ng dalawang panig.