Natagpuang wala ng buhay kahapon, Disyembre 26, 2025, ang isang pahinante mula South Cotabato sa Purok Aguho, Barangay Baclay, Tukuran, Zamboanga del Sur.

Kinilala ang biktima na si Antonio Esmayan, 55 taong gulang, isang pahinante ng Wing Van trak na may plate number CBP 3169. Ayon sa impormasyon, bumiyahe ang trak mula Cotabato na may kargang mga melon na idedeliver sa Bohol. Nasiraan umano ang sasakyan sa ruta, dahilan upang pansamantalang umalis ang driver patungong Aurora upang humanap ng mekaniko, iniwan muna si Esmayan.

Nang bumalik ang driver, natagpuan na lamang nitong wala nang buhay si Esmayan. Batay sa paunang imbestigasyon, nawawala rin ang bag ng biktima at may mga sugat sa ulo at mukha, na posibleng indikasyon ng pananakit bago ang pagkamatay.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis at SOCO personnel upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay at makilala ang mga posibleng responsable sa insidente.