Nabigo ang planong karahasan ng mga teroristang komunista sa South Cotabato matapos maagapan ng militar ang pagtatangkang maghasik ng kaguluhan sa bayan ng Tboli. Itinuturing itong tagumpay ng kooperasyon ng mamamayan at kasundaluhan.

Ayon sa ulat ng 105th Infantry (Saifullah) Battalion sa pamumuno ni Lt. Col. Erikzen C. Dacoco, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa mga residente at mga miyembro ng CAFGU hinggil sa mga kahina-hinalang bagay na natuklasan sa Sitio Bagong Silang, Barangay Maan noong Agosto 20, 2025. Agad nilang nirespondehan ang sumbong at nakarekober ng 16 na anti-personnel mines, kabilang ang isang improvised explosive device na itinago sa isang abandonadong daan patungo sa Lawa ng Maughan.

Pinuri ni Brigadier General Michael A. Santos, Commander ng 603rd Infantry Brigade, ang pagiging alerto ng mga sibilyan. Aniya, kung hindi sa maagap na pakikilahok ng taumbayan, posibleng humantong sa trahedya ang plano ng mga rebelde. Dagdag pa niya, ang mga pampasabog ay gawa ng Communist Terrorist Group na konektado sa Guerilla Front 72, na pinamumunuan ng isang kilalang teroristang tinatawag na alyas Gawets.

Samantala, ayon kay Major General Donald Gumiran, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang insidente ay malinaw na halimbawa ng bisa ng pagtutulungan ng komunidad at militar. Binigyang-diin niyang patuloy na paiigtingin ang mga operasyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan sa South Cotabato.