Bilang pagpapakita ng pakikiisa at suporta sa mga mamamayang Palestino, pormal nang bubuksan ang kauna-unahang “Palestine Road” sa lungsod ng Cotabato ngayong darating na Agosto 2, 2025.

Matatagpuan ang Palestine Road sa Barangay Tamontaka 1, Cotabato City, at ito ay itinataguyod ng League of Bangsamoro Organizations (LBO). Ayon sa LBO, ang proyektong ito ay sumasalamin sa matatag na paninindigan ng Bangsamoro para sa Palestine, sa gitna ng patuloy na krisis at karahasan na kinakaharap ng mga kapatid nating Palestino.

Binigyang-diin ng LBO ang temang: “Palestine is not alone” — isang panawagang nagsusulong ng pagkakaisa, katarungan, at pandaigdigang pagkakaibigan.

Ang inagurasyon ay gaganapin sa darating na Biyernes, Agosto 2, alas-9 ng umaga, at inaasahang dadaluhan ng mga lider ng komunidad, youth organizations, civil society groups, at iba pang personalidad mula sa BARMM.

Ang proyekto ay bahagi ng adbokasiya ng Moral Governance para sa Bangsamoro, na layong ipakita ang malasakit at pakikiisa ng rehiyon sa mga pandaigdigang isyung makatao.