Mariing kinondena ng Pamahalaang Lungsod ng Cotabato at ng Cotabato City Police Office (CCPO) ang karumal-dumal na pamamaril sa liwanag ng araw na ikinasawi ni Prince Mohaz Rafsanjanie Matanog, Sangguniang Kabataan (SK) Chairperson ng Barangay Poblacion 5, at ng kanyang kapatid na si Muamar Salvador Matanog, parehong residente ng naturang barangay.
Batay sa ulat ng pulisya, pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang mga biktima sa Jose Lim Street, Barangay Poblacion 5, Cotabato City. Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Police Station 1 matapos makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril. Nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga suspek at ng mga rumespondeng pulis, kung saan nasugatan ang isang pulis habang isa naman sa mga suspek ang tinamaan sa likod.
Mariing tiniyak ni Mayor Bruce Matabalao na gagamitin ng lungsod ang lahat ng makakayang resources upang mahuli at mapanagot ang mga responsable. Nag-alok din ang lokal na pamahalaan ng ₱500,000 pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng kredibleng impormasyon na makatutulong sa pag-aresto at pagkakakulong ng mga salarin.
Tinukoy ng alkalde na ang naturang insidente ay kahalintulad ng naunang pamamaril din sa Barangay Poblacion 5, kung saan nasangkot si Barangay Chairwoman Fahima Pusaka, ang kanyang asawa, at isang payong-payong driver. Nakatakas si Chairwoman Pusaka sa naturang pag-atake ngunit nasawi ang kanyang asawa at ang driver. Sa kasong iyon, nag-alok din si Mayor Matabalao ng ₱500,000 pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon.
Ayon sa pamahalaang lungsod, si Chairperson Matanog ay isang kabataang lider na naglingkod nang may dedikasyon at katapatan, at ang kanyang pagkamatay ay isang malaking kawalan hindi lamang sa kanyang pamilya kundi sa buong sektor ng kabataan sa Cotabato City.
Patuloy na nagsasagawa ng follow-up operations at CCTV review ang Cotabato City Police Office upang matukoy at madakip ang mga sangkot sa krimen. Ayon kay Police Colonel Jibin M. Bongcayao, City Director ng CCPO, patuloy ang kanilang pagtutok sa kaso at pagtiyak na maipagkakaloob ang hustisya sa mga biktima.