‎Nagpatupad ng online system sa pamamahagi ng ayuda ang tanggapan ni Kitem Kadatuan sa Bangsamoro matapos makatanggap ng maraming kahilingan mula sa mga mamamayan sa kanilang social media page.

‎Tinawag na ONLINE SAM-KITS program ang inisyatiba kung saan maaaring magpadala ng request ang mga komunidad upang makatanggap ng tulong para sa iftar o pagkain matapos ang pag-aayuno ngayong buwan ng Ramadan.

‎Layunin ng programa na matulungan ang mga moske at iba’t ibang komunidad sa buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa pamamagitan ng pamamahagi ng libreng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.

‎Ayon sa tala ng Team MP Kadatuan, umabot na sa anim na batches ng mga komunidad sa iba’t ibang lugar ng rehiyon ang nabiyayaan ng ayuda mula sa nasabing online program.

‎Kabilang sa mga ipinamahagi ang mga pagkain para sa iftar at iba pang suplay na makatutulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga benepisyaryo habang ginugunita ang banal na buwan ng Ramadan.

‎Sa mga video na ibinahagi ng mga nakatanggap ng tulong, nagpahayag ng pasasalamat ang mga benepisyaryo kina Abdulraof Macacua at MP Kadatuan sa patuloy na suporta sa mga komunidad sa panahon ng pag-aayuno.

‎Patuloy namang hinihikayat ng tanggapan ni Kadatuan ang mga mamamayan na magpadala ng kanilang kahilingan sa ONLINE SAM-KITS program upang mas marami pang komunidad sa Bangsamoro ang mabigyan ng tulong.