Mariing kinondena ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) ang naganap na pamamaril noong Setyembre 16, 2025, bandang alas-10:05 ng umaga sa Jose Lim Street, Barangay Poblacion 5, Cotabato City.
Batay sa ulat, sakay ng isang puting Toyota Fortuner ang mag-asawang biktima nang paulit-ulit silang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek na lulan ng motorsiklo. Sa gitna ng insidente, nadamay rin at tinamaan ang isang drayber ng payong-payong na noon ay nasa lugar.
Kaagad na nagsagawa ng dragnet operation ang PRO BAR at nag-aktiba ng isang Investigation Task Group upang matukoy at madakip ang mga suspek sa lalong madaling panahon.
Hinimok naman ng PRO BAR ang publiko na manatiling kalmado, mapagmatyag, at makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon na makatutulong sa imbestigasyon. Binigyang-diin ng pamunuan na walang puwang ang karahasan at kawalang-batas sa mga komunidad, at nananatili silang nakatuon sa pagpapatupad ng batas at paghahatid ng hustisya para sa mga biktima.