Suspendido hanggang Biyernes ang klase sa Agriculture Central Elementary School sa Midsayap kasunod ng karumal-dumal na pamamaril sa kanilang punong-guro nitong Martes ng umaga, Agosto 12.

Kinumpirma ito ni Mayor Rolly “UDM” Sacdalan sa isang press conference, kung saan sinabi niyang isasailalim sa psychological assessment ang mga mag-aaral, guro, at ilang magulang na nakasaksi sa insidente. Katuwang dito ang Rural Health Unit (RHU) at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) upang matiyak ang kanilang kaligtasan at kalusugang pangkaisipan.

Binigyang-diin ng alkalde na patuloy ang intervention ng lokal na pamahalaan para masiguro ang maayos na kalagayan ng mga estudyante at guro.

Kasabay nito, inatasan din niya ang pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad, hindi lamang sa mga paaralan kundi sa buong bayan ng Midsayap. Giit ni Sacdalan, walang puwang sa kanilang lugar ang mga kriminal at gumagamit ng ipinagbabawal na droga, at handa ang LGU na gumamit ng “kamay na bakal” kung kinakailangan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.