Isang payong-payong driver ang sugatan matapos barilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Rosary Heights 11, Cotabato City, madaling-araw ng Lunes, Hulyo 28.
Kinilala ang biktima na si Esmael Abpi Manampan, 39 taong gulang, may asawa, at residente ng Barangay Rosary Heights 10.
Ayon sa ulat ng Police Station 2 ng Cotabato City Police Office (CCPO), binabaybay ng biktima ang Andres Alonzo Street sakay ng kaniyang motorsiklong payong-payong dakong alas-12:40 ng madaling-araw nang biglang sumulpot ang suspek at paulit-ulit siyang pinaputukan.
Apat na putok umano ang pinakawalan ng suspek, kung saan tatlo ay tumama sa kanang bahagi ng tiyan ng biktima. Agad siyang isinugod ng kaniyang mga kamag-anak sa Cotabato Regional and Medical Center at kasalukuyang ginagamot.
Napag-alamang nasa ilalim umano ng impluwensya ng alak ang biktima nang mangyari ang insidente.
Mabilis na rumesponde sa pinangyarihan ng krimen ang mga tauhan ng PS2-CCPO sa pangunguna ni PMaj. Teofisto Ferrer Jr., kasama ang mga miyembro ng CMFC at MBLT 5. Nagsagawa rin ng hot pursuit operation ang mga otoridad ngunit bigong maaresto ang suspek.
Sa isinagawang forensic investigation ng Regional Forensic Unit, apat na basyo ng bala mula sa hinihinalang kalibre .45 na baril ang narekober sa crime scene. Isasailalim ito sa ballistic examination.
Ayon pa sa pulisya, pinaniniwalaang may kaugnayan sa ilegal na droga ang motibo ng pamamaril. Patuloy na iniimbestigahan ang insidente habang kinokolekta na rin ang CCTV footage mula sa mga kalapit na bahay at establisyemento para matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.