Pinagbabaril ng mga armadong suspek ang isang service vehicle ng Barangay Mother Poblacion II, Shariff Aguak, bandang 5:30 ng hapon kahapon, Mayo 18, 2025, na nagresulta sa pagkamatay ng isang miyembro ng Barangay Peace Action Team (BPAT) at pagkasugat ng dalawa pa.
Kinilala ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ang mga biktima na sina Jordan Balayman Nacio, 30 anyos, isang BPAT member; Hamid Samsamin, isa ring BPAT member; at Abdulhadie Kamal Haji Iskak, isang Ustadz. Kapwa residente ng Poblacion II sina Nacio at Samsamin, habang si Iskak ay taga-Dapiawan, Datu Saudi, Maguindanao del Sur.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nag-uusap ang tatlo sa harap ng isang Gas Station nang biglang dumating ang mga suspek na sakay ng kulay-abong Suzuki mini van na walang plaka. Nagpanggap umano ang mga suspek na mga customer bago sila biglaang bumunot ng baril at pinaputukan ang mga biktima nang walang babala.
Tumakas agad ang mga suspek patungo sa hilagang direksyon matapos ang pamamaril. Isinugod naman ang tatlong biktima sa Integrated Provincial Health Office (IPHO) para sa agarang medikal na atensyon, ngunit hindi na umabot ng buhay si Nacio dahil sa dami ng tama ng bala.
Nakarekober ang mga imbestigador ng 66 na basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na uri ng armas. Tinamaan din ng ligaw na bala ang isang barangay rescue vehicle at isa pang mini van na nasa lugar ng insidente.
Patuloy ngayon ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa likod ng pamamaril at kilalanin pati na rin madakip ang mga responsable sa krimen.