Lumantad sa pagdinig ng Senado ang pamilya ng isang 16-anyos na binatilyong nasawi matapos umano malulong sa online gambling, upang isalaysay ang matinding pinsalang idinulot nito sa kanilang buhay.

Sa harap ng Senate Committee on Games and Amusement, ikinwento ni Arsenia Concha na nagbigti ang kanyang anak matapos mapasok at tuluyang masangkot sa e-gambling. Pinangunahan ni Senador Juan Miguel Zubiri ang pagsasalin sa Tagalog ng kanyang salaysay dahil kababayan niya ang pamilya Concha.

Ayon kay Arsenia, hindi dati mahilig magsugal ang anak ngunit nahikayat dahil sa sobrang dali ng access sa online gambling. Sa testimonya naman ng pinsan ng biktima na si Antonio Concha, nagsimula lang umano ito bilang pampalipas-oras ngunit nauwi sa pagkakalulong.

Dalawang beses umanong nagnakaw ang binatilyo sa gasolinahang kanyang pinagtatrabahuhan. Sa unang pagkakataon, P16,000 ang kinuha na nabayaran pa ng kanyang ina. Sa ikalawang insidente, umabot na sa P42,000 ang ninakaw na hindi na nabayaran, bagay na pinaniniwalaang nagdulot ng matinding depresyon sa biktima.

Sa pagdinig, nanawagan ang pamilya ng mas mahigpit na regulasyon laban sa online gambling upang hindi na madamay ang mas maraming kabataan sa parehong kapalaran.