Kinundena ng Bangsamoro Board of Investments o BBOI ang pamamaril sa sinasakyang van sa grupo nito sa kahabaan ng Linek sa bayan ng Datu Odin Sinsuat kaninang umaga, July 10.

Ayon kay BBOI Chairsperson Mohamad Omar Pasigan, nagpapasalamat sila at nasa ligtas na kalagayan ang walong tauhan ng BBOI na tinambangan at mariin din nitong kinukundena ang anumang-uri ng kapahamakan na naglalagay sa panganib sa buhay ng mga sibilyan.

Naniniwala naman ang mga biktima na hindi sila ang target ng pananambang ngunit nadamay lamang sila.

Hinikayat din ng BBOI ang bawat isa na pairalin ang kapayapaan sa rehiyon.

Sa ulat ng pulisya, nadamay sa putukan ng mga di pa nakikilalang mga armadong grupo na nag-ambush sa unahang sasakyan na kanilang binubuntutan ang van ng naturang grupo.

Wala namang nasugatan sa insidente ngunit nagdulot ito ng pangamba sa pangkat na nakatakda sanang magsagawa ng pagbisita sa mga Registered Business Enterprises o RBE sa Kusiong, Maguindanao Norte ng maganap ang insidente.

Nakikipag-ugnayan na din ang BBOI sa mga autoridad para sa pagsisiguro sa kanilang kaligtasan lalo na ng mga grupo na nagiikot sa iba’t-ibang lugar at munisipalidad sa rehiyon.