Nabalot ng kalungkutan ang masayang sandali ng graduation ng mga magkakapatid na nakapagtapos sa Madrasah matapos mawalan ng tahanan dahil sa isang naganap na sunog sa Purok Imba, Rosary Heights 7, sa lungsod ng Cotabato kahapon, araw ng Linggo.

Abo na lamang ang natagpuan ng mga biktima sa kanilang bahay, at wala silang naisalba na kahit isang gamit mula sa kanilang mga kagamitan at damit.

Ang mga magulang at magkakapatid ay tumangis sa labis na pagkawala sa kabila ng kanilang matagumpay na pagtatapos sa Madrasah.

Kasalukuyan namang humihingi ng tulong si Bai Fi, ang uploader ng post, para sa pamilya ng mga biktima. Inanyayahan niya ang mga nais magbigay ng kahit maliit na halaga o gamit na makipag-ugnayan sa numerong 09067049626.

Ayon sa ulat, tatlong bahay ang natupok ng apoy sa Purok Imba, Rosary Heights 7. Kasama rin sa mga nadamay ang isang payong-payong na nakaparada sa lugar.

Patuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) upang matukoy ang sanhi ng insidente at alamin kung sino ang may-ari ng mga nasunog na bahay.