Dumating si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa lalawigan ng Cagayan upang personal na pangunahan ang pamamahagi ng tulong sa mga residente at magsasakang naapektuhan ng Super Typhoon “Nando.”

Sa bayan ng Gonzaga, pinangunahan ng Pangulo ang seremonyal na pamimigay ng tulong pinansyal, Family Food Packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region II, at mga binhi at pataba mula naman sa Department of Agriculture (DA) Region II. Ginanap ang aktibidad sa Gonzaga Gymnasium.

Matapos nito, nagtungo si PBBM sa Sta. Ana Fishery National High School upang ipamahagi ang mga learning kits at karagdagang ayuda sa mga estudyante at guro na naapektuhan din ng kalamidad.

Bukod sa pamamahagi ng tulong, layunin din ng pagbisita ng Pangulo na personal na makita at suriin ang lawak ng pinsalang iniwan ng bagyo sa probinsya. Kasama niya sa pagbisita sina DPWH Secretary Vince Dizon, DSWD Secretary Rex Gatchalian, DepEd Secretary Sonny Angara, DA Secretary Francisco Tiu Laurel, at iba pang kinatawan ng mga ahensya sa Rehiyon II.

Mainit na sinalubong si PBBM nina Cagayan Governor Edgar Aglipay, mga Regional Director ng DA at DSWD RFO2, at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan.