Pinatunayan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maayos ang kanyang kalagayan sa mental at emosyonal na aspeto sa kabila ng bigat ng tungkulin bilang pangulo. Ayon sa Punong Ehekutibo, nakatulong ang matagal niyang pagmamasid sa kanyang ama, dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., upang maunawaan ang sakripisyong kaakibat ng posisyon.

Ipinahayag ng Pangulo na mahalaga ang pagpapahinga, kahit ilang oras lamang, upang mapanatiling malinaw at epektibo ang pag-iisip. Karaniwan din niyang ginagawa ang ehersisyo bilang paraan ng stress relief at sinabi niyang hindi siya natataranta kapag may malalaking problemang kinakaharap.

Binigyang-diin niya na ang kanyang motibasyon sa pamumuno ay nakatuon sa paglilingkod publiko at hindi sa personal na interes. Nang tanungin tungkol sa posibilidad na mabuhay sa ibang uri ng pamilya, mabilis niyang sinabi na itinuturing niyang siya ang “pinakasuwerteng tao” dahil sa mga magulang at karanasang humubog sa kanya.

Bagaman inamin niya na noong kabataan ay ayaw niyang pumasok sa pulitika dahil sa hirap na nasaksihan sa buhay ng kanyang pamilya, kalaunan ay tinanggap niya ang landas ng paglilingkod publiko bilang bahagi ng kanyang misyon.