Wala pang 24 oras matapos na mabaril ang isang guro na nakabase sa Barangay Inug-ug, isang indibidual na naman ang biktima ng pamamaril ng mga di pa kilalang armado ngayong tanghali sa Barangay Ladtingan, Pikit North Cotabato.
Kinilala sa alyas na si Pansal at Benny Monsing ang biktima na isang habal driver at nakatira sa Barangay Punol. Base sa mga nakasaksi, namamasada lamang ang pobreng tsuper ng kanyang habal ng tambangan ito ng mga suspek.
Mapalad na sugat lamang ang tinamo ng biktima na nasa ospital ngayon upang tumanggap ng paunang lunas. Ang Ladtingan ay isa sana sa mga safest communities sa lugar dahil dito na nakabase ang bagong lipat na 40IB matapos na lumipat ng base ang 90IB.
Ikaapat na sa humahabang tala ng mga biktima ng pamamaril si Monsing sa nasabing bayan matapos na maitala kamakailan ang dalawang estudyante na nabaril noong unang linggo ng buwan at kahapon, ang guro na Barangay Treasurer ng Macabual na pinatay ng mga walang awang suspek.