Isang low-pressure area (LPA) ang namataan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at may posibilidad itong maging isang tropical depression sa loob ng 24 oras, ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA.
Huling naitala ang nasabing LPA sa layong 2,350 kilometro sa silangan ng Extreme Northern Luzon nitong Linggo ng hapon. Bagama’t nasa labas pa ng PAR, mahigpit itong binabantayan ng mga eksperto sa panahon.
Samantala, tuloy-tuloy ang epekto ng southwest monsoon o habagat na siyang nakaaapekto sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao. Apektado nito ang Central at Southern Luzon, kanlurang bahagi ng Visayas, at ilang lugar sa Mindanao.
Sa kabilang banda, ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) naman ay nagpapa-ulan sa silangang bahagi ng Mindanao. Asahan ang maulap na papawirin na may kasamang kalat-kalat na ulan at pagkulog sa Davao Region at Surigao del Sur.
Hindi rin ligtas sa pag-ulan ang Metro Manila, CALABARZON, SOCCSKSARGEN, Pangasinan, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, at Palawan — lahat ng ito ay maaring makaranas ng pag-ulan dahil sa habagat.
Sa mga rehiyon ng Bicol, Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, Bangsamoro Autonomous Region, at natitirang bahagi ng Central Luzon at MIMAROPA, bahagyang maulap hanggang sa maulap ang kalangitan na may posibilidad ng panaka-nakang pag-ulan.
Samantala, ang iba pang bahagi ng bansa ay posibleng makaranas ng mga localized thunderstorms, lalo na sa hapon o gabi.
Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng flash floods at landslides sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan. Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at ugaliing makinig sa mga abiso ng lokal na pamahalaan.