Tinalakay ngayong araw ng Committee on the Bangsamoro Justice System (CBJS) ng Bangsamoro Parliament ang mga probisyon ng Parliament Bill No. 66, na layong magbigay ng legal na proteksyon sa mga human rights defenders sa rehiyon.
Ang nasabing panukala, kilala bilang Bangsamoro Human Rights Defenders Protection Act of 2025, ay tumutugon sa patuloy na panawagan ng iba’t ibang sektor para sa mas matibay na proteksyon laban sa mga kaso ng harassment, red-tagging, at iba pang uri ng pananakot na nararanasan ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao sa Bangsamoro.
Sa pulong, nagbahagi ng kanilang opinyon ang ilang miyembro ng komite at mga kinatawan ng secretariat hinggil sa legal na saklaw, mekanismo ng proteksyon, at posibleng overlap sa umiiral na national human rights laws. Ilan sa mga tinalakay ay ang tungkulin ng regional government sa pagpapatupad, pati na ang ugnayan ng batas sa mga security forces sa lugar.
Bagama’t may ilang positibong tugon sa layunin ng panukala, may mga mungkahing masusing pag-aralan pa ang ilang bahagi ng bill upang matiyak na hindi ito magiging redundant o mahirap ipatupad sa aktwal.
Ayon sa impormasyon mula sa komite, inaasahang ilalabas ang committee report sa mga susunod na linggo para sa plenary deliberation.
Ang deliberasyon sa panukalang batas na ito ay bahagi ng mas malawak na usapin sa pagpapatibay ng karapatang pantao sa Bangsamoro, lalo na sa mga komunidad at sektor na madalas malagay sa alanganin dahil sa kanilang adbokasiya.